“Sa sementaryo nabuo ang mga pangarap ko“
Kumusta na mga kapitbahay? May kani-kaniya tayong pangarap sa buhay. Ang isang bata kapag tinanong mo kung anong pangarap o gusto paglaki, agad na sasagot na gusto ko pong maging duktor, teacher, pulis, at kung anu-ano pa.
Si Police Corporal Angelo ‘Yong’ Borlongan na isang miyembro ng SWAT (Special Weapon and Tactics) ay nangarap na maging pulis at maging SWAT nuon pa man at hindi naging madali sa kaniya na makuha ang pangarap dahil sa kahirapan.
Ipinanganak at lumaki si Yong sa Manila North Cemetery, kinailangang iwan muna siya ng kaniyang ina sa kaniyang mga lolo at lola para magtrabaho sa ibang bansa. Sabi ni Yong, ang naging pangunahing gabay niya ay ang kaniyang lolo, lola, tiyo, tiya at mga pinsan. Sila ang pumuno sa kaniyang mga kakulangan at kalungkutan.
Alam ba ninyo na nabanggit ni Yong na lumaki man siya sa sementeryo ay nakararamdam pa rin siya ng takot kahit na ngayong malaki na siya. Kapag naunahan aniya ng takot lalo na kapag madilim ang kapaligiran at wala ng tao sa sementeryo kapag dumilim na hanggang madaling-araw.
Para kay Yong napakapalad niya dahil ang mga nag-aaral na taga loob ng sementeryo kapag naka gradauate ay duon na humihinto ang kanilang buhay estudyante. Pagka-graduate sa high school ay sasama o isasama na ng magulang, mga kamag-anak sa mga gawain sa sementeryo.
Ito aniya ‘yung gagawa ka ng nitso, maglilibing ng patay at iba pang trabaho sa sementeryo. Kaya naman nang sabihin ng kaniyang mga magulang na magpapatuloy siya ng pag-aaral ay laking tuwa niya. Sinimulan na rin niyang mangarap. Nang sabihin ng kaniyang nanay na magpulis siya ay ito na rin ang hinangad niyang maging.
Pinagsikapan niyang makatapos ng pag-aaral kahit hindi ganuon kadali. Alam n’yo ba na sabi ni Yong, 18 subjects ang bagsak niya, mula first hanggang fourth year ? na ang mga dahilan ay iba’t iba na hindi na niya idinetalye.
Naramdaman niya ang kalungkutan ng kaniyang mga mahal sa buhay, mga tito at tita kung kaya nagsikap talaga siya, pinilit na makapasa at makalagpas sa mga pagsubok. Nag-graduate si Yong ng pagkapulis nuong 2017 at napunta sa SWAT nuong 2020 kung saan talagang todo-todo ang training na ginawa niya, ang first assignment niya ay sa Manila Police District o MPD.
At dahil nasa puso niya na makatulong din sa kapwa kung kaya kinakalinga din niya ang mga batang sementeryo. Nagbibigay siya ng school supplies at sinisikap na matulungan ang mga batang sementeryo na hindi nakapag-aaral. Vlogger na rin si Yong at may nag viral na rin siyang video na hindi niya inakala.
Panghuli, ang biggest dream ni Yong ay magkasama-samang sila ng mga sumuporta sa kaniya nuong panahon na siya ay nag-aaral hanggang ngayon na tumira sa iisang bahay. Sa isang malaking bahay kasama ang kaniya mga magulang, tiyo,tiya at mga pinsan. Para kay Corporal Yong ang kaniyang tagumpay ay tagumpay din ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Maraming salamat Yong sa iyong inspiring story.