Sa unang araw ng implementasyon ng “no vaxx, no ride,” limang pasahero nasampolan
Limang pasahero ang nasampolan sa unang araw ng pagpapatupad ng mga tauhan ng Inter-Agency Council for Traffic sa “no vaccination, no ride” policy nang pababain sila sa bus sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City kanina dahil nalamang hindi pa sila bakunado laban sa Covid-19.
Ang lima ay dinala sa tanggapan ng Task Force Disiplina, kung saan sila hiningan ng paliwanag.
Sinabi ng isa na kapapanganak pa lamang niya, habang sinabi naman ng isa na maysakit siya sa bato.
Alibi naman ng isa, kagagaling lamang nya sa probinsiya habang sinabi ng isa pa na naka-schedule na siyang bakunahan noong isang araw ngunit inabot ng cut-off kaya hindi natuloy.
Wala namang maibigay na dahilan ang isa pang pasahero kung bakit hindi pa siya nakapagpapabakuna.
Ayon sa Task Force Disiplina, ngayong araw ding ito ng Lunes ay sasamahan nila ang lima sa vaccination site upang makapagpabakuna na.