Salceda, tiwalang makukuha ng bansa ang growth target ngayong taon
Tiwala ang chairman ng House Ways and Means committee, na makakamit ng bansa ang target na 5 to 6 percent economic growth para sa 2021.
Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, na dahil sa bumababang kaso ng COVID-19, ang tumataas na vaccination rate at adjustments sa workplace ay senyales ng pagbangon ng ekonomiya.
Subalit nagbabala ang mambabatas, na may posibilidad na tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa muling pagbangon ng ekonomiya, ngunit kung tuloy-tuloy ang suplay ay magiging matatag pa rin ang halaga ng mga produkto.
Samantala, umapela si Salceda sa Department of Agriculture, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, at sa Department of the Interior and Local Government, na tiyakin na hindi magkakaroon ng congestion sa mga pantalan, expressways, airports, at iba pang conduit points para sa malayang suplay ng mga produkto, kasabay ng pagtaas ng demand nito.
Kaugnay nito ay inirekomenda niya ang pagbuo ng Task Force Supply Chain Management, kasama ang Department of Trade and Industry upang maiwasan ang tinatawag na supply congestion.