Salitang Inuulit Mahilig Ang Pinoy
Hello sa lahat! Matanong lang, napansin na rin ba ninyo tayong mga Pinoy ay mahilig sa inuulit na salita, sa palagay n’yo dahil ba sa tayo ay likas na makulit?
Magmula sa pagtawag ng pangalan gaya ng Bongbong, JoJo, Ningning. Maging sa pagkain, halo-halo, bilo-bilo, at pati na rin sa lugar gaya ng Iloilo at Tawi-Tawi.
Pero bakit nga ba mahilig ang Pinoy sa salitang inuulit?
Ayon kay Prof. Jem Javier, Associate Professor ng Department of Linguistics, University of the Philippines, ang pag-uulit o reduplication ay isang pangkaraniwang linguistic phenomenon, bagaman makikita ito na madalas na ginagawa sa Tagalog, maaaring dahil sa lubos na na-entrench sa grammar ng Tagalog ang reduplication, kaya lumagos ito sa iba pang morphological process (proseso ng pagbuo ng salita) gaya ng pagbibigay ng palayaw, halimbawa, Nok-nok, Ging-ging, Tin-tin.
Maaaring ang pag-uulit sa palayaw ay pagpapahayag ng endearment dahil sinasagisag ng pagpapalayaw ang higit na malalim na relasyon ng binibigyan ng palayaw at nagbibigay nito.
Ang isang kahulugang ibinibigay ng full reduplication ay diminutive, o pagpapahayag ng “kamedyuhan” o slighter degree ng kahulugan ng pinanggalingang salita. Halimbawa, mapula-pula, tau-tauhan, maglakad-lakad.
Makikita rin ang pag-uulit sa ibang porma ng salita subalit hindi matutukoy ang pinanggalingan ng mga ito. Gayunman, may mga linguist na nagsasabing ito ay dahil sa noong una, monosyllabic ang Tagalog, ibig sabihin, karamihan sa mga salitang-ugat ay binubuo lamang ng isang pantig. Kaya, ginagamit ang pag-uulit at paglalagay ng affix (panipi) upang ma-refine ang kahulugan. Ang ilan sa mga halimbawa ay palakpak < pakpak, talaytay < taytay.
At ngayong nalaman na natin ang dahilan, may mga salita pa rin na tayong mga Pinoy lang ang nagkakaintindihan.
Ang aming paalala, huwag basta-basta maniniwala, sa sabi-sabi, haka-haka. Bye bye!