Samahan ng mga lokal na magsasaka at NFA lumagda sa MOA para mapanatiling P38 pesos ang presyo ng kada kilo ng bigas sa bansa
Pumirma sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang mga lokal na magsasaka sa pangunguna ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG at National Food Authority o NFA.
Nakalagay sa nilagdaang MOA na hindi muna mag-aangkat ng imported na bigas ang bansa simula ngayong harvest season upang matulungan ang mga lokal na magsasaka ng palay at mapanatili ang presyo ng bigas sa halagang 38 pesos ang kada kilo sa mga pamilihan.
Sinabi ni Rosendo So Pangulo ng SINAG na nagkasundo ang mga lokal na rice traders na uunahin munang bilhin ang mga locally produced na palay.
Ayon kay So ang kasunduan sa pagitan ng SINAG at NFA ay pakikinabangan ng 1.5 milyong lokal na magsasaka.
Niliwanag ni So sa ngayon ay higit na mababa ang presyo ng bigas na locally produced dahil ito ay pumapatak sa 38 pesos kada kilo samantalang ang imported na bigas ay nasa 42 pesos ang kada kilo.
Sa ngayon ang buying price ng palay ay nasa 19 pesos hanggang 20 pesos kada kilo.
Ang hakbang na bilhin muna ang locally produced na mga palay ay bilang pagtalima sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang ring tumatayong Agriculture Secretary na tulungan ang mga lokal na magsasaka.
Vic Somintac