Samples mula sa mga crew ng MV/Athens Bridge mula sa India isasailalim sa sequencing
Isasailalim sa sequencing ang samples mula sa mga crew ng cargo ship na MV Athens Bridge na dumaong sa bansa mula sa India.
Ang nasabing barko ay pinayagang makadaong sa bansa para sa medical evacuation ng 2 pinoy crew nito na nagpositibo sa virus at nakararanas ng hirap sa paghinga.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, 21 ang mga crew ng nasabing barko na mga pinoy.
Ang 12 rito ay nagpositibo sa COVID 19 matapos sumailalim sa test pagdating sa Vietnam.
Pero ang 2 rito nakaranas ng hirap sa paghinga.
Dahil sa kakapusan ng suplay ng oxygen sa barko hiniling nila na makadaong sa Pilipinas para sa medical evacuation ng 2.
Sa ngayon, naka confine na aniya sa ospital ang 2 crew na ito.
Habang ang 10 naman na nagpositibo rin na pawang asymptomatic ay inilipat na rin sa quarantine facility.
Ang iba pang crew ay isasailalim rin umano sa COVID 19 testing at quarantine dahil sa matagal nilang nakasama ang mga nagpositibong kasamahan sa barko.
Ang lahat ng sample specimen ng mga ito ay ipadadala aniya sa Philippine Genome Center para maisailalim sa sequencing.
Layon nitong makita kung mayroon silang Indian variant lalo na at galing sila sa nasabing bansa.
Madz Moratillo