Sampung matatanda, patay nang masunog ang kanilang nursing home
Patay ang lahat ng sampung matatandang residente ng isang nursing home sa Uruguay, bunsod ng nangyaring sunog kung saan tanging ang nag-iisang caretaker nito ang nakatakas.
Walong babae at dalawang lalaki ang namatay mula sa nasunog na pasilidad na mayroong anim na silid, na nasa siyudad ng Treinta y tres, may 290 kilometro (180 milya) hilagang-silangan ng Montevideo, kapitolyo ng Uruguay.
Nang pasukin ng mga bumbero ang nursing home ay nakita nilang wasak ang main entrance nito, at sa loob naman ay may nakita silang apoy sa living room at puno ng usok ang buong pasilidad.
Sinasabing nakatakas ang 20-anyos na babaeng caretaker ng nursing home sa pamamagitan ng garahe ng pasilidad.
Ayon sa Interior Ministry and Emergency Services, pito sa mga residente ang namatay mismo sa pasilidad, habang tatlo naman ang namatay makaraang isugod sa pinakamalapit na pagamutan na nasa kritikal na kalagayan.
Lahat ng mga biktima ay pawang namatay dahil sa smoke inhalation.
Ang sunog ay nangyari sampung araw lamang makaraang masunog din ang isa pang nursing home para sa matatanda at mga may psychiatric disorders sa lungsod ng Melo, na nasa silangan din ng Uruguay.
Sa nabanggit na sunog ay isang 77-anyos na lalaki at 72-anyos na babae ang namatay sa ospital, makaraan silang ilikas mula sa nasusunog na pasilidad kasama ng 40 iba pang mga residente.
Sixteen percent ng 3.4 million inhabitants ng Uruguay ay lampas na sa edad na 65, at patuloy pa itong nadaragdagan.
Ang sanhi ng sunog, na napaulat na nagsimula sa living room ng pasilidad ay hindi pa batid.