Sampung paaralan mula sa IP Community, handa na rin sa pagsisimula ng face-to-face classes
Nakahanda na ang 10 paaralan mula sa mga Indigenous Peoples o IP Community sa 3 munisipalidad ng Zambales, para sa pagsisimula ng face-to-face (F2F) classes sa Nobyembre a-15.
Kabilang sa magbubukas ng klase ay ang Banawen Elementary School sa San Felipe; Belbel Elementary School, Burgos Elementary School, Maguisguis Elementary School, Moraza Elementary School, Owaog-Nebloc Elementary School, Nacolcol Integrated School, at Palis Integrated School sa Botolan; Baliwet Elementary School at San Marcelino National High School sa San Marcelino.
Inaasahan na higit 500 mag-aaral at 75 mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 3 at Senior High School Tech-Voch Strand, ang muling babalik sa mga paaralan.
Tiniyak naman ng pamunuan ng SDO Zambales, ng mga punong-guro, at iba pang stakeholders ang pagiging handa bago ang itinakdang araw ng simula ng klase.
Kabilang rito ang pagsasa-ayos sa mga silid-aralan, pagkakabit ng mga panuto upang masunod ang health protocols, paglalagay ng mga alcohol, hand sanitizers at pagpapanatili ng WASH facilities at pagsasa-ayos ng gagamiting learning materials.
Buo naman ang suporta ng National Commission on Indigenious People (NCIP) sa pamumuno ng OIC-Provincial Officer na si Randy Bernales, Department of Health sa pamumuno ni Dr. Jessie Fantone, pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Hermogenes Ebdane, Jr., mga alkalde, at iba pang community leaders sa naging desisyon ng Division of Zambales sa pamumuno ni Dr. Romeo Alip, na tanggapin ang hamon sa limitadong pagbubukas ng klase.
Inaasahan na rin ng nabanggit na mga paaralan ang pagbisita ng ilang opisyal ng kagawaran mula sa Central Office at Regional Office, upang tiyakin ang kahandaan nila.