Sampung pinakamayamang tao sa buong mundo, dumoble pa ang yaman habang may pandemya
Dumoble pa ang yaman ng 10 pinakamayayamang tao sa buong mundo sa unang dalawang taon ng pag-iral ng pandemya, habang lumala naman ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Ayon sa Oxfam, mula sa $700 billion ay naging $1.5 trillion na ang yaman ng 10 nabanggit, na ang average rate ay $1.3 billion bawat araw, batay ito sa isinapublikong report sa isang virtual mini-summit ng world leaders sa ilalim ng World Economic Forum.
Sinabi pa ng Oxfam, isang organisasyon ng charities na nakapokus sa pagpapagaan sa pangmundong kahirapan, na ang kayamanan ng mga nabanggit na bilyonaryo ay mas lumaki pa sa panahon ng pandemya kaysa sa naunang 14 na taon, nang ang ekonomiya ng buong mundo ay nakaranas ng pinakamalalang resesyon mula nang maganap ang Wall Street Crash noong 1929.
Tinawag nilang “economic violence” ang hindi pagkakapantay-pantay, at nagkaroon anila ito ng bahagi sa pagkamatay ng 21,000 katao araw-araw dahil sa kakulangan ng access sa healthcare, pagkagutom, gender-based violence at climate change.
Lalo pang naghirap ang 160 milyong katao dahil sa pandemya, kung saan ang non-white minorities at mga kababaihan ang higit na naapektuhan habang lumalala ang hindi pagkakapantay-pantay.
Ang report ay kasunod ng isang pag-aaral ng isang grupo noong December 2021, na nakadiskubre na ang share ng global wealth ng pinakamayayamang tao sa buong mundo ay sumirit ng mabilis paitaas sa panahon ng pandemya.
Hinimok ng Oxfam ang pagkakaroon ng tax reforms upang pondohan ang pangmundong produksiyon ng bakuna, gayundin ang healthcare, climate adaptation at gender-based violence reduction upang makatulong sa pagsasalba ng buhay.
Ayon sa grupo, ibinase nila ang kanilang wealth calculations sa pinaka up-to-date at comprehensive data sources na available, at ginamit ang 2021 Billionaires List na tinipon ng US business magazine na Forbes.
Sa talaan ng Forbes, ang 10 pinakamayamang tao ay ang Tesla at SpaceX chief na si Elon Musk, Jeff Bezos ng Amazon, founders ng Google na sina Larry Page at Sergey Brin, Mark Zuckerberg ng Facebook, dating Microsoft CEOs na sina Bill Gates at Steve Ballmer, dating Oracle CEO Larry Ellison, US investor na si Warren Buffet at head ng French Luxury group na LVMH na si Bernard Arnault.