San Fernando city at 4 pang munisipalidad sa La Union, isinailalim sa 14 days MECQ
Isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang San Fernando city at apat pang munisipalidad sa La Union simula bukas, October 1 hanggang 14, 2021.
Batay sa Executive Order No. 47 na ipinalabas ni Governor Francisco Emmanuel Ortega III, kabilang sa apat na mga bayan na ito ay ang Agoo, Balaoan, Bauang, at Sudipen.
Ito ang naging pasya ng pag-uusap ng mga local chief executive upang mapigilan ang pagkalat pa ng Covid-19 virus.
Samantala, isasailalim naman sa General Community Quarantine (GCQ) ang mga bayan ng Aringay, Bacnotan, Bangar, Burgos, Caba, Bagulin, Luna, Pugo, San Juan, at Santo Tomas.
Habang nasa ilalim naman ng Modified GCQ ang mga bayan ng Naguilian, Rosario, San Gabriel, Santol, at Tubao.
Ayon kay Governor Ortega, maaaring i-revive ng mga local chief executive ang kanilang mga protocol alinsunod sa Operational Guidelines on the Application of Zoning Containment Strategy in the Localization of the National Action Plan against Covid-19 Response at iba pang guidelines ng Inter-Agency Task Force at National Government Agencies.
Maaari ring magpatupad ng kani-kanilang granular lockdown ang bawat Barangay.
Hanggang nitong September 26, 2021 ang La Union ay mayroong 3,008 active cases ng Covid-19.