San Fernando city, La Union, isasailalim sa ECQ mula Oct. 1
Matapos makapagtala ng kaso ng Delta variant, inaprubahan ng City Inter-Agency Task Force (IATF) against Covid-19 na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang San Fernando city, La Union simula sa October 1 hanggang 14.
Ito ay sa sandaling aprubahan na ito ng Provincial government at ng Regional IATF.
Ayon kay City Health Office (CHO) medical officer Dr. Joseph Alves, maliban sa naitalang kaso ng Delta variant, marami na sa kanilang frontliners ang tinatamaan na ng Covid-19, punuan na rin ang mga ospital at marami rin ang mga pasaway.
Nasa mahigit 100 frontliners na aniya ang nagka-Covid at umabot na sa 100 percent ang utilization rate ng mga ospital at isolation facilities.
Inatasan na ang lahat ng miyembro ng city Covid-19 Technical Working Group na madaliin na ang pagsasaayos at paghahanda ng kakailanganin para sa ipatutupad na lockdown, kabilang na ang relief goods at quarantine pass.
Ipinapaayos na rin ang ugnayan ng mga Barangay sa mga maaapektuhang establisimyento at negosyo.
September 25 nang ku,pirmahin ni Mayor Hermenegildo Gualberto ang unang kaso ng Delta variant sa lungsod batay sa resulta ng genome sequencing analysis ng Philippine Genome Center.
Pero nakarekober na naman ang pasyente at naisailalim na sa swab test ang mga naging close contacts nito.