San Juan city, itinuturing na isa sa mga kontrobersyal na lugar ngayong eleksyon
Maagang naghanda ang mga guro at mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa Pinaglabanan Elementary school sa San Juan City para sa Midterm elections ngayong araw.
Alas-5:20 kaninang umaga nang simulan ang ceremonial opening sa isang selyadong classroom sa paaralan kung saan itinago pansamantala ang mga Vote Counting Machines (VCMs).
Alas-6:00 ng umaga opisyal na sinimulang buksan ang mga Polling precints.
Ang San Juan city ay itinuturing na isa sa mga kontrobersyal na lugar ngayong halalan dahil tatlo sa mga kumakandidatong Senador ang boboto sa iba’t-ibang presinto sa lunsod.
Maghaharap din ngayong halalan sa San Juan ang dalawang prominenteng pamilya na dating magka-alyansa…ang Zamora at Estrada.
Tumatakbong alkalde ng San Juan ang anak ni Senatoriable Jinggoy Estrada na si San Juan Vice-mayor Janella Estrada at makakalaban nito si dating Vice-Mayor Francis Zamora.
Ang San Juan city ay hawak ng mga Estrada noon pang 1969 kung saan unang kumandidato si dating San Juan mayor Joseph Estrada.
Ulat ni Meanne Corvera