San Juan City, sinimulan na ang pakikipag-ugnayan para sa cold chain storage facilities ng COVID vaccines
Inumpisahan na ng pamahalaang lungsod ng San Juan City ang pakikipag-usap sa mga cold chain storage facilities sa Metro Manila na pag-iimbakan ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, pinag-aaralan nila na umupa na lang ng cold chain equipment at mga pasilidad sa halip na bumili at magpatayo dahil maliit na lungsod lang naman ang San Juan at kaunti ang populasyon.
Sinabi pa ng alkalde na mayroon nang existing refrigerators ang lungsod para sa biniling bakuna mula sa AstraZeneca na nangangailangan ng 2 to 3 degrees Celcius.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-ugnayan na sila sa mga pribadong cold storage facilities at maging sa mobile cold chain providers para sa transportasyon at storage ng Pfizer COVID vaccines na kailangan ng -70 degrees Celsius na temperatura.
Ipinabatid aniya sa pulong nila sa Metro Manila Council kasama si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez ang posibilidad ng paglalaan ng bakuna ng Pfizer para sa LGUs sa National Capital Region (NCR).
Moira Encina