San Juan city, nagbukas ng vaccine registration para sa non-residents
Matapos makamit ang 100 percent population protection laban sa Covid-19, inanunsyo ng City Government ng San Juan na tatanggap na sila ng non-residents sa vaccination program.
Ang anunsyo ay ginawa ni Mayor Francis Zamora sa kaniyang social media.
Mangyari lamang na magparehistro sa https://vaxreg.sanjuancity.gov.ph/.
Nilinaw ng pamahalaang panglungsod na bawal ang walk-in at sa mga nagparehistro ay maghintay ng confirmatory text message bago magtungo sa Greenhills Theatre Mall vaccination site.
Ayon sa post ng alkalde, dalhin lamang ang valid government ID, dapat ay 18 anyos pataas at hindi pa nababakunahan sa ibang lungsod o lalawigan.
Magiging first come, first served basis ang sistema ng pagbabakuna hangga’t may suplay ng bakuna.