Sandiganbayan nag-isyu na ng commitment order para ilipat sa Bilibid si Jun Lozada
Kinumpirma ng NBI- Special Action Unit na nagpalabas na ang Sandiganbayan ng mga kautusan para ilipat sa New Bilibid Prisons si NBN- ZTE deal witness Jun Lozada at kapatid nito na si Jose Orlando.
Ang dalawa ay hinatulang guilty ng anti-graft court sa isang count ng katiwalian kaugnay sa land deal sa Philippine Forest Corporation kung saan dating CEO si Jun Lozada.
Pansamantalang nakapiit ang dalawa sa NBI Detention Center sa Maynila matapos sumuko noong nakaraang linggo kasunod ng arrest order ng Sandiganbayan Fourth Division.
Sinabi ng NBI-SAU na bagamat may commitment orders na mula sa korte ay hindi pa maililipat ang magkapatid sa Bilibid.
Batay kasi sa NBI Detention Center, kinakailangan ng negatibong COVID-19 swab test bago mailipat ang mga Lozada sa state penitentiary.
Tinataya ng NBI na tatlong araw ang hihintayin para sa Covid test results ng dalawa.
Pinatawan ng hukuman ang mga Lozada ng anim na taon hanggang 10 taon na pagkakabilanggo.
Una nang sinabi ni Jun Lozada na napolitika lamang siya dahil sa pagsisiwalat niya ng katotohanan ukol sa anomalya sa NBN-ZTE kung saan itinuro niya na mga utak sina dating Pangulong Gloria Arroyo at asawang Jose Miguel Arroyo.
Moira Encina