Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, itinanggi sa Korte Suprema na nagsinungaling siya sa Personal Data Sheet na isinumite sa JBC
Itinanggi ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na nagsinungaling siya sa kanyang Personal Data Sheet o PDS na isinumite sa Judicial and Bar Council para sa kanyang aplikasyon sa pwesto sa Korte Suprema.
Sa kanyang sulat kay Chief Justice Lucas Bersamin at sa JBC, sinabi ni Tang na walang basehan ang nasabing paratang sa kanya na nakasaad sa opposition letter na inihain ng mga nagpakilalang ‘concerned employees’ ng Sandiganbayan noong nakaraang Disyembre.
Ang Sandiganbayan chief ay inakusahan ng panlilinlang sa mga inilagay sa kanyang PDS partikular na sa mga kasong bigo nitong madesisyunan sa oras at ang haba ng panahon ng kanyang government at judicial experience.
Ayon kay Tang, walang nakalakip na anumang attachment ang anonymous letter para patunayan ang mga akusasyon.
Sa alegasyon ng understatement sa bilang ng mga kasong hindi nito naresolba sa oras, iginiit ni Tang na nasa panig ng nag-aakusa ang burden o responsibilidad para patunayan ang paratang nito.
Hinimok ni Tang ang JBC na isantabi ang opposition letter.
Si Tang ay kabilang sa shortlist na isinumite ng JBC sa Malacañang para sa iniwang associate justice post sa Korte Suprema ni Bersamin na itinalaga bilang punong mahistrado.
Ulat ni Moira Encina