Sapat na suplay ng pagkain, siniguro ni PBBM sa kabila ng El Niño
May sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng epekto ng El Niño sa agrikultura.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod na rin ng makabagong farming techniques at mas maayos na irrigation system na ipinatupad sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Katunayan aniya sa mga lugar na may patubig ay mas tumaas pa ang mga ani.
Tiniyak rin ni PBBM na minamadali na ng gobyerno ang paglalagay ng solar pumps sa mga upland non-irrigated areas.
Una rito ay iniulat ng National Irrigation Administration (NIA) na sa mga lalawigan na labis na apektado ng El Niño ay nag-deploy na sila ng tatlong long-arm backhoes at isang wheel-type backhoe para sa canal clearing at desilting works.
Namahagi rin sila ng 1,200 na litro ng diesel sa mga magsasaka na apektado ng tagtuyot para magamit nila sa diesel-powered water pumps.
Nakapagtayo na rin ang NIA nag 18.06 kilometrong concrete irrigation canal at 64 units ng canal structures para sa mas maayos na delivery ng tubig para sa irigasyon.
Madelyn Moratillo