Sapat na supply ng bigas tiniyak ni PBBM
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sapat na supply ng bigas sa bansa.
Kasunod ng kaniyang pakikipag-pulong sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Plant Industry (BPI) at National Food Authority (NFA), sinabi ng Pangulo na hindi magkakaroon ng shortage sa bigas ang bansa.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na may sapat na supply ng bigas sa taong ito at patuloy na ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat ng paraan para makontrol ang presyo ng butil.
Sa ilalim ng 2023 Supply Outlook ng DA, nasa 16.98 million metric tons ang kabuuang supply ng bansa na sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino na 15.29 million metric tons para sa taong ito.
Binigyang-diin pa ng Chief Executive na magpa-plano ang gobyerno kung kailangang mag-angkat ng bigas upang mapahaba at maparami pa ang buffer stock sa NFA na ngayon ay mababa na.
Inaasahan na magkakaroon ang bansa ng sobrang 1.69 million metric tons ng bigas na katumbas ng 45-days buffer stock sa halip na 90-day ideal buffer stock upang patatagin ang presyo ng bigas sa merkado.
Eden Santos