Sapat na tulog mabisang panlaban sa mga virus gaya ng Covid-19, ayon sa eksperto
Maraming pag-aaral ang nagpapatunay na napakahalaga sa tao ang pagkakaroon ng sapat na tulog.
Ayon sa mga Health expert, tulad din ng pagkain na kailangan ng katawan upang mapanatili ang kalusugan, ang sapat na tulog ay kailangan din para lubos na maingatan ang katawan.
Sa isinagawang media roundtable discussion na inorganisa ng isang kilalang Global Nutrition Company, hinikayat ang publiko na gawing prayoridad ang pagkakaroon ng balanseng nutrisyon at malusog na pamumuhay na magiging daan sa pagpapalakas ng immune system.
Ito ay para malabanan ang mga uri ng infection at bacteria gaya ng Covid- 19.
Ayon kay Dr. Luigi Gratton, Vice President of Training ng Global Nutrition Company, bagaman mahirap gawin sa panig ng ilang mga tao, isa ang pagkakaroon ng sapat na tulog sa mahalagang gawin upang lumakas ang resistensya ng katawan.
Ilan pa sa tips na kanyang ibinigay ay i-develop ang consistent sleep schedule, iwasang uminom ng kape at inuming may caffeine sa loob ng tatlo hanggang apat na oras bago matulog, huwag nang manigarilyo o hangga’t maaari ay itigil na ang masamang bisyo, magkaroon ng conducive na kapaligiran tulad ng pagkakaroon ng malamig, mahangin, tahimik at madilim ang kuwartong tutulugan.
Binigyang-diin pa ni Gratton na batay pa sa pag aaral, pagkatapos ng isang mahimbing na pagtulog sa magdamag, mas maganda ang pakiramdam kapag nagising, mas malinaw at focus ang pag-iisip.
Belle Surara