Sari-sari store sa Taguig City nagiba dahil sa pagguho ng lupa
Isang minor landslide ang naganap sa Cuasay road, Barangay Central Signal sa Taguig City, kung saan isang sari-sari store ang nagiba nang gumuho ang lupa nguni’t sa kabutihang palad ay wala namang malubhang nasaktan o nasawi sa insidente.
Agad na sumaklolo ang Quick Response Team, mga engineer at social workers ng Taguig City upang alamin ang naging pinsala at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
Ang soil erosion dahil sa ginagawang paghuhukay ng mga nakatira sa lugar, at ang naipong tubig dulot ng mga pag-ulan ang tinitingnang dahilan ng pagguho ng lupa.
Dahil sa nangyari ay idineklarang “danger zone” ng Tguig City ang naturang lugar at agarang isinara upang wala nang malagay sa panganib.
Inilikas na rin ang mga pamilyang nakatira malapit sa landslide area, habang patuloy ang imbestigasyon at assessment sa lugar.
Pinaalalahanan din ng mga kinauukulan ang mga mamamayan ng Taguig na magsagawa ng routine check-up sa mga sira ng kanilang bahay o lugar ng trabaho laluna ngayong tag-ulan.
Dapat ding sumunod sa regulasyon na nag-aatas sa lahat na kumuha muna ng building permit kapag nagpapatayo o nagpapa-ayos ng bahay o gusali, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Ulat ni Virnalyn Amado