Sasakyan, nabagsakan ng puno, 1 patay, 3 sugatan sa Baguio City
Isang sasakyan ang nabagsakan ng isang malaking puno na nabuwal sa kahabaan ng Kennon Road, Baguio City bandang 3:15PM, July 23, 2021.
Isa ang namatay sa insidente habang tatlong iba pang pasahero ang nasugatan.
Ilang araw nang nakakaranas ng mga pag-ulan ang maraming lugar sa Cordillera Administrative Region na naging sanhi ng mga landslides.
Dead on arrival ang biktimang si Esmeralda Suriaga, 39 years old ,dalaga, at isang call center agent. residente ng Richgate Montecillo Camp 7 Baguio City.
Kinilala naman ang tatlong sugatan na sina: 1.) Mizon Arucan Galano, driver ng AUV; 2.) Samuel Suriaga at 3.) Wilfredo Suriaga.
Sa imbestigasyon ng Baguio City Police, galing ang mga biktima sa Camp 7, habang sakay ng taxi na may plakang AYU-713 with car body na AR-ANNE, papunta sa Baguio City proper.
Habang binabagtas ang kalsada sa Camp 8 sa Kennon Road, biglang umalog ang kanilang sinasakyan, at nakarinig ang mga ito ng malakas na tunog.
Agad na nirespondehan ng mga pulis , rescuer at ilang residente ang mga biktima kung saan ay mabilis na isinugod ang mga ito sa BGHMC ngunit idineklarang DOA si Esmeralda Suriaga.
Ayon pa sa otoridad, ang isa sa pasahero na si Samuel Suriaga ay katabi ng driver sa harapan, habang si Wilfredo Suriaga, ay nakapuwesto naman sa likuran ng driver, samantalang ang namatay na babae ay nakaupo sa kanang bahagi ng sasakyan na tinamaan ng bumagsak na malaking bahagi ng puno.
Ayon sa mga responders, maaaring humina ang pundasyon ng puno dahil sa tuloy-tuloy na mga pag ulan at pagragasa ng tubig sa lugar.
Sa huling impormasyon, stable condition na ang driver na si Mizon Galano at si Samuel Suriaga, habang discharge na si Wilfredo suriaga.
Report ni Freddie Rulloda