Saudi Arabia friendly games kinumpirma ng Inter Miami
Kinumpirma ng Inter Miami ang detalye ng dalawang parating na friendly games sa Saudi Arabia sa susunod na taon, na kabibilangan ng isang showdown sa pagitan ni Lionel Messi at ng matagal na nitong karibal na si Cristiano Ronaldo.
Una nang inanunsiyo ng Major League Soccer (MLS) club ang mga plano upang harapin ang Al Nassr team na kinabibilangan ni Ronaldo sa Riyadh, nang walang kinukumpirmang petsa.
Sinabi ng Inter na makakalaban ng team ang Saudi powerhouses na Al Hilal sa Kingdom Arena sa Riyadh sa January 29.
Pagkatapos ay kakaharapin naman nila ang Al Nassr sa kaparehong venue sa February 1, na pagkakataon para kay Messi na muling makaharap si Ronaldo na matagal na niyang karibal simula pa sa una nilang pagkikita noong 2008.
Sinabi ni Chris Henderson, chief soccer at sporting director ng Miami, “These matches will offer important tests for our team, which will benefit us as we approach the new season.”
Bibiyahe ang Miami sa Hong Kong kasunod ng kanilang laro sa Saudi Arabia, upang harapin naman ang isang team mula sa First Division ng Chinese territory sa February 4.
Pagkatapos ay babalik na ang team sa Estados Unidos para sa pagsisimula ng MLS season sa mga huling bahagi ng Pebrero.