Sawsawan Pa More! Patis Tahong On The Go!

logo

Mahilig ka ba sa sawsawan? Anong sawsawan ba ang paborito mo toyo, suka, bagoong, asin, o patis? Mayroon na ngayong toyomansi na pinaghalong toyo at kalamansi. Gaya ng alam natin, ang patis ay mula sa inasnang isda o hipon. Ang kulay nito ay malinaw na kalawangin. Purong-purong katas ng isda o hipon na dumaan sa proseso na kung tawagin ay fermentation. Nakasanayan na nga ng mga Pinoy na kumain na may sawsawan lalo na at matabang o walang lasa ang kanilang kinakain. Ngayon, may bagong sawsawan na magugustuhan ng mga Pinoy lalong lalo na ang mga health conscious. Tinatawag itong PATIS TAHONG o ang patis na gawa sa tahong. Hindi kukulangin dahil sa sagana o mayaman ang Pilipinas sa tahong. Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyektong pinangunahan ni Ms. Ernestina M. Peralta, Project Leader, Low Salt Fermented Mussel Sauce, University of the Philippines-Visayas, Institute of Fishing Processing Technology. Ayon kay Peralta, dinevelop nila ang sawsawan gamit ang tahong upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga taong gagawin itong sawsawan. Hindi masyadong maalat ang tahong patis, walang artipisyal na kulay, preservative, at monosodium glutamate o MSG. Sabi pa ni Peralta, may benepisyong pangkalusugan na dulot ang patis tahong dahil ito ay sagana sa protina, amino acids, calcium at iron. Ating nalaman na ang patis tahong ay mababa sa fat, cholesterol at calories.

Paano nga ba ito ginagawa? Sinabi ni Peralta na simple lang naman talaga ang paggawa ng Patis Tahong. Ang mga shell ng tahong ay kailangang linising mabuti, at kunin ang laman. Lagyan ng asin ang laman ng tahong, sa bawat isang kilogram ng tahong ay tumbasan din ito ng isang kilong asin. I-blender., tapos ay ilipat ito sa isang malinis na lalagyan. Hayaan ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan para sa tinatawag na fermentation process at regular itong haluin. Makalipas ang tatlong buwan, salain ito at makukuha na ang patis mula sa tahong. Pakuluan ang nakuhang patis tahong sa loob ng 15 minuto. Isalin ang pinakuluang patis tahong sa isang malinis na bote saka i-pasteurize sa 95 hanggang 100 degree-centigrade sa loob ng 15 minute. Agad na i-seal ang bote. Palamigin sa room temperature 28-30 degree centigrade. Ayan na…maaari na nating tikman ang patis tahong. For sure, gaganahan kang lalo sa pagkain kapag ganito ang sawsawan mo.

Please follow and like us: