SC: Bar fees puwedeng i-refund ng bar applicants na apektado ng Bagyong Paeng at hindi makakakuha ng eksaminasyon
Dinepensahan ng Korte Suprema ang desisyon nito na ituloy ang pagsasagawa ng 2022 Bar Examinations sa November 9, 13, 16, at 20.
Ayon sa Supreme Court, nagsagawa agad ito ng survey sa 14 na local testing centers at local government units kung saan gaganapin ang pagsusulit para malaman ang lawak ng pinsala at ang posibleng epekto ng bagyo sa bar exams.
Inihayag ng SC na ang lahat ng local testing centers at LGUs ay sinabi na handa sila na lumahok sa bar exams sa orihinal na iskedyul nito ngayong buwan.
Paliwanag pa ng Korte Suprema, binalanse at ikinonsidera nito pareho ang mga aplikante na naaapektuhan ng bagyo at nais na ipagpaliban ang eksaminasyon, at ang bar applicants na desidido na matuloy ang bar exams.
Isinama rin sa desisyon ng SC ang daan-daang bar personnel at volunteers.
Ayon pa sa SC, magkakaroon ng ripple effect sa taunang bar exams ang anumang postponement ng pagsusulit.
Kaugnay nito, nilinaw ng SC na maaaring maghain ng aplikasyon para sa refund ng binayarang bar fees sa Office of the Bar Confidant ang mga aplikanteng apektado ng bagyo at hindi makakakuha ng bar exams.
May opsyon din ang mga ito na ang bar fees na binayaran ay maaaring i-apply para sa bar exams sa susunod na taon
Samantala, inihayag ng Korte Suprema na ang susunod na bar exams ay isasagawa sa September 2023.
Moira Encina