SC binalaan ang mga hukom sa mga ipinu-post sa social media
Isang hukom sa La Union RTC ang mahigpit na binalaan ng Korte Suprema dahil sa pag-post sa kanyang Facebook account ng mga litrato nito na nakahubad ang damit pang-itaas at ipinapakita ang mga tattoo sa katawan.
Sa desisyon ng Supreme Court Second Division na isinulat ni Justice Henri Jean Paul Inting, hinatulang guilty sa kasong administratibo na conduct unbecoming of a judge ang hindi pinangalanang hukom at binalaan na papatawan ito ng mas mabigat na parusa kapag naulit ang kaparehong insidente.
Depensa naman ng judge, na-hack ang kanyang FB account kaya mula sa ‘Friends Only’ private settings ay naging public ang kanyang mga posts.
Pinaalalahanan naman ng SC ang mga hukom na maging maingat sa mga ipinu-post sa social networking sites ito man ay personal o may kaugnayan sa trabaho.
Ayon sa Korte Suprema, nakakaapekto ang mga ito sa pagtingin ng publiko sa mga hukom at lalong higit sa hudikatura sa kabuuan.
Moira Encina