SC Chief Justice Sereno, itinangging nag-isyu ng TRO sa implementasyon ng RH Law
Itinanggi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nagpalabas ang Korte Suprema ng TRO para pigilan ang implementasyon ng Reproductive Health Law o ng lahat ng contraceptive products.
Ito ay sa harap ng pasaring ni Pangulong Duterte sa kanyangSONA sa aniya’y TRO ng hukuman sa mga proyekto at programa ng pamahalaan gaya ng RH Law.
Nilinaw ng punong mahistrado na ang tanging ipinatigil ng Supreme Court ay ang registration, pagbili at distribusyon ng dalawang contraceptive implants na Implanon at Implanon Nxt na pinaniniwalaang mga abortifacient.
Ang TRO ay inisyu ng SC Second Division noong April 2016 kasunod ng petisyon ng Alliance for the Family Foundation Philippines Inc.
Paliwanag ni Sereno hindi pa binabawi ng Korte Suprema ang TROsa dalawang nabanggit na kontraseptibo dahil alinsunod sa SC ruling kailangan pa munang magsagawa ang Food and Drug administration ng pagdinig ukol sa kaligtasan, kalidad at non_abortiveness ng Implanon at Implanon Nxt.
Aniya walang basehan at premature kung aalisin ang TRO sa dalawang produkto dahil hindi pa ito nareresolba ng FDA na may mandato at expertise sa nasabing usapin.
Matatandaan na noong April 2014 ay idineklara ng Korte Suprema na constitutional ang RH Law.
Ulat ni: Moira Encina