SC: COA limitado ang audit jurisdiction sa PAGCOR
May limitasyon ang audit jurisdiction ng Commission on Audit (COA) sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa desisyon ng Korte Suprema, binaligtad at isinantabi nito ang ruling ng COA noong 2013 na nag-disallow sa Php2 million financial assistance ng PAGCOR para sa konstruksyon ng flood control at drainage system project sa Los Baños, Laguna.
Ayon sa Korte Suprema, nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ng COA nang lumagpas o sumobra na ang audit jurisdiction nito sa PAGCOR.
Sinabi ng Supreme Court na alinsunod sa batas limitado lang ang audit jurisdiction ng COA sa remittances ng PAGCOR sa BIR bilang franchise tax at sa National Treasury ukol sa share nito sa gross earnings ng pamahalaan.
Partikular na rito ang nakasaad sa PAGCOR Charter o sa Section 15 ng Presidential Decree 1869 na ang pondo ng korporasyon na sakop ng audit ay limitado lamang sa 5% franchise tax at 50% ng gross earnings nito.
Binanggit sa desisyon ng SC na ang financial assistance na pinagtibay ng PAGCOR para sa flood control at drainage system ng Pleasant Village Subdivision sa Los Baños ay kinuha mula sa operating expenses partikular sa marketing expenses nito.
Ipinunto ng Korte Suprema na ang cardinal rule kapag malinaw ang batas ay walang puwang para sa interpretasyon kundi para lamang sa aplikasyon.
Dahil dito, iginiit ng SC na ang kapangyarihan ng COA na i-audit ang PAGCOR ay “not unrestricted” o limitado lang.
Ang petisyon ay inihain ni dating PAGCOR Chair Efraim Genuino sa SC matapos na ibasura ng COA ang apela nito sa disallowance ruling.
Moira Encina