SC Committee on Human Rights, nakikiramay sa pamilya ng pinaslang na Cebu lawyer
Nagpaabot ng pakikidalamhati si Supreme Court Committee on Human Rights Chair at Justice Marvic Leonen sa pamilya at mga kaibigan ng pinaslang na abogado sa Cebu City na si Rex Jose Mario Fernandez.
Si Fernandez ay binaril noong Huwebes ng hapon habang lulan ng kanyang sasakyan sa Brgy. Guadalupe sa Cebu City.
Ayon kay Leonen, ang pagpatay sa sinumang abogado ay “serious concern” sa kanila sa Korte Suprema.
Aniya walang nareresolba ang anumang karahasan at “anathema” sa rule of law.
Sinabi ni Leonen na welcome sa Korte Suprema ang mga bagong ulat ng pulisya at iba pang organisasyon ukol sa insidente sa Cebu.
Hinimok ni Leonen ang mga otoridad at human rights groups at iba pa na isumite sa SC hanggang sa katapusan ng Setyembre ang kanilang findings sa pangyayari.
Inihayag pa ng mahistrado na patuloy nilang binubusisi ang maraming records at ulat na isinumite sa kanila ng mga otoridad at iba’t ibang grupo ukol sa pagpaslang sa mga hukom at mga abogado.
Una nang hiniling sa SC sa mga lower courts at iba’t ibang law enforcement agencies na bigyan sila ng impormasyon kaugnay sa bilang at kaso ng pagbabanta at pagpatay sa mga abogado sa nakalipas na 10 taon.
Nanawagan din noong Marso ang Korte Suprema sa publiko at mga public interest, lawyers, at judges’ groups na bigyan sila ng vetted information ukol sa mga nasabing insidente.
Ayon kay Leonen, sa oras na mapag-aralan at makalap ang mga ulat ay isusumite nila ang kanilang report at rekomendasyon sa SC En Banc.
Moira Encina