SC, DOJ, at DILG magtatatag ng mas maraming ‘Justice Zones’ sa bansa
Upang maging mas mabilis at epektibo ang paggawad ng katarungan sa bansa, plano ng
Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na magtatag ng mas marami pang Justice Zones sa ibat ibang panig ng bansa.
Isa ito sa mga tinalakay ng mga kasalukuyan at papasok na opisyal ng JSCC na binubuo ng Korte Suprema, DOJ, at DILG sa kanilang pagpupulong.
Present sa meeting na ipinatawag ni Chief Justice Alexander Gesmundo sina Justice Secretary-designate Crispin Remulla at Interior Secretary-designate Benhur Abalos.
Ayon kay outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra, napagkasunduan ng JSCC na lumikha ng mas maraming pang Justice Zones.
Layunin aniya ng Justice Zones na mapaigting pa ang kooperasyon at komunikasyon sa pagitan ng mga alagad ng batas, piskal, hukom at iba pang stakeholders para masolusyunan ang problema ng delay at accountability sa paggawad ng hustisya.
Kaugnay nito, inihayag din ni Guevarra na sa darating na Biyernes, June 24 ay ilulunsad sa Baguio City ang susunod na Justice Zone.
Ito na ang magiging ika-siyam na Justice zone sa Pilipinas.
Moira Encina