SC hindi nagpalabas ng TRO sa isyu sa gubernatorial race sa Negros Oriental
Hindi inaksyunan ng Korte Suprema ang inihaing petisyon ni Henry Pryde Teves laban sa pagproklama ng Commission on Elections (Comelec) sa katunggali nitong si Roel Degamo bilang bagong gobernador ng Negros Oriental.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, tinalakay ng mga mahistrado sa en banc session ang inihaing temporary restraining order (TRO) ni Teves laban sa proklamasyon kay Degamo.
Pero walang aksyon o hindi nagpalabas ang SC ng TRO.
Pinagbigyan naman ng Korte Suprema ang hiling ng Office of the Solicitor General na kumakatawan sa Comelec na bigyan sila ng dagdag na 30 araw para maghain ng komento.
Ang Comelec ay pinangalanan na co- respondent ni Degamo sa mga petisyon ukol sa gubernatorial race sa Negros Oriental.
Idineklara ng poll body si Degamo bilang bagong gobernador ng Negros Oriental matapos ang mga boto para sa nuisance candidate na si Grego Gaudia na gumamit ng “Ruel Degamo” ay ipinawalang-bisa at idinagdag kay Degamo.
Moira Encina