SC hinimok na atasan ang Telecom firms na isauli sa consumers ang sobrang singil sa text messages
Dumulog sa Korte Suprema ang Bayan Muna Partylist para hilinging atasan ang Telecommunication Companies na isauli sa mga subscriber nito ang sobrang singil nito sa mga text messages.
Sa kanilang petisyon, hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals noong June 2016 na pumapabor sa mga Telecom firm na Smart, Globe at Digitel o Sun Cellular.
Nais din ng mga petitioners na balikatin ng Telcos ang “commensurate penalty” sa bawat araw na tumanggi ang mga kumpanya na sundin ang kautusan ng National Telecommunications Commission na magrefund or reimburse sa kanilang prepaid at postpaid susbcribers.
Una nang kinuwestyon ng Telcos sa CA ang NTC order noong November 2012 na ibaba sa walumpung sentimo mula sa piso ang singil sa text.
Nakapuntos sa Appellate Court ang Telecom firms at idineklarang iligal ang kautusan ng NTC.
Ulat ni: Moira Encina