SC ibinasura ang Comelec Petition para isapubliko ang Automated Elections System
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon para isapubliko ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng detalye kaugnay sa automated elections system.
Sa mahigit 20- pahinang desisyon ng Supreme Court en banc na isinulat ni Justice Ricardo Rosario, sinabi na hindi nito maaaring atasan ang poll body na ilahad ang lahat ng detalye ng transmission ng transmission router server at iba pang devices at equipment sa pag-transmit ng resulta ng halalan.
Ayon sa SC, maaaring naglalaman ito ng mga confidential na impormasyon na puwedeng magbunga ng seryosong panganib sa seguridad.
Puwede anilang magpasya ang Korte Suprema ng case-to-case basis kung anong uri ng election, consolidation o transmission documents ang sakop ng right to information.
Batay pa sa ruling ng SC, walang ministerial duty ang Comelec para payagan ang physical access sa technical hubs, servers at data centers ng automated election systems.
May limitasyon din anila ang batas at Konstitusyon kaugnay sa full disclosure at access sa mga nasabing pasilidad.
Gayunman, maaari anilang i-compel ang poll body na isapubliko ang kumpletong transmission diagram at data/communications network architecture ng vote counting machines at ang pag-witness sa printing ng mga balota.
Moira Encina