SC, ibinasura ang hirit ni Sen. Estrada na matanggal ang testimonya ni Benhur luy sa PDAF scam
Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ni Dating Senador Jinggoy Estrada na matanggal sa rekord ng Sandiganbayan ang testimonya ng pangunahing testigo sa PDAF scam na si Benhur Luy.
Ito ay kaugnay sa kasong plunder ni Estrada dahil sa sinasabing maanomalyang paggamit ng kanyang pork barrel allocation.
Sa resolusyon ng Korte Suprema, sinabi na walang naging grave abuse of discretion ang Sandiganbayan Fifth Division nang tanggapin nito bilang ebidensya ang testimonya ni Luy, mga kopya ng cash at check disbursement report na iprinisinta ng prosekusyon.
Ayon pa sa Supreme Court, ang proteksyon laban sa unreasonable search and seizure ay hindi maaring sumaklaw sa mga nagawa ng mga pribadong indibidwal kahit siya pa ay ginamit na testigo ng gobyerno.
Ang dating Senador ay sinasabing nagbulsa ng ₱183.79M na halaga ng kickback sa kanyang PDAF mula 2004 hanggang 2012 matapos na idaan ito sa mga pekeng NGOS ni Janet Lim Napoles.
Ulat ni: Moira Encina