SC ibinasura ang mga petisyon na idiskuwalipika si BBM
Unanimous ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang dalawang petisyon na idiskuwalipika si President-elect Bongbong Marcos Jr.
Ang ruling ay inilabas ng Supreme Court dalawang araw bago ang inagurasyon ni Marcos bilang ika-17 pangulo ng bansa.
Ayon sa SC Public Information Office, 13 mahistrado ang bumoto para i-dismiss ang mga petisyon habang dalawang mahistrado ang nag-abstain o hindi bumoto.
Sa desisyon ng SC, kinatigan nito ang mga resolusyon ng Comelec na nagbabasura sa mga petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy ni BBM para sa pagka-pangulo.
Sinabi ng Korte Suprema na kuwalipikado na kumandidato at mahalal si Marcos bilang presidente.
Ipinunto pa ng SC na valid at alinsunod sa batas ang COC na inihain ni Marcos kaya tama na ito ay pinagtibay ng Comelec.
Si Justice Rodil Zalameda ang ponente o nagsulat sa desisyon.
Hindi naman lumahok sa botohan sina Justices Antonio Kho at Henri Jean Paul Inting.
Si Kho ay dating commissioner ng poll body habang si Inting ay kapatid ni incumbent Comelec Commissioner Socorro Inting.
Moira Encina