SC ibinasura ang mga petisyon para atasan nito ang Kongreso na mag-joint session para talakayin ang Martial Law sa Mindanao

Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na humihiling na atasan nito ang Senado at Kamara na magdaos ng joint session para talakayin ang idineklarang batas militar sa Mindanao ni Pangulong Duterte.

Unanimous ang naging botohan ng 15 mahistrado para ibasura ang mga petisyon na inihain ng grupo nina Senadora Leila de Lima, dating Solicitor General Florin Hilbay at ang grupo nina dating Senador Wigberto Tañada.

Labing-tatlo sa mga mahistrado ay iginiit na walang pag-abuso sa kapangyarihan ang Senado at Kamara nang hindi mag-joint session para pagtibayin ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Wala anilang nakasaad sa Section 18, Article 7 ng 1987 Constitution na obligado na mag-joint session ang Senado at Kamara kung ang layunin ay pagtibayin ang proklamasyon ng batas militar.

Magsasagawa lang anila ng joint session ang Kongreso  kung ipawawalang bisa o palalawigin ang Martial Law at ang suspensyon ng Privilege of the Writ of Habeas Corpus.

Pero para naman sa dalawang mahistrado na sina Justices Benjamin Caguioa at Marvic Leonen, moot and academic na ang kaso matapos magconvene ang Kongreso at magbotohan na palawigin ang Martial Law hanggang December 31, 2017.

Ulat ni: Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *