SC ibinasura ang petisyon na i-compel si PRRD na depensahan ang national territory ng bansa
Ibinasura ng Korte Suprema dahil sa kawalan ng merito ang petisyon ng abogadong si Romeo Esmero na i-compel si Pangulong Rodrigo Duterte na depensahan ang national territory ng bansa kabilang na ang West Philippine Sea.
Sa siyam na pahinang resolusyon ng Supreme Court En Banc, sinabi na may immunity from suit o hindi maaaring sampahan ng kaso ang nakaupong pangulo.
Si Duterte ang nag-iisang respondent sa petisyon ni Esmero na humihiling na mag-isyu ang SC ng writ of mandamus.
Ayon pa sa SC, kahit pa balewalain nito ang pagkakamali sa petisyon at ikonsidera na ang respondent ay ang executive secretary bilang kinatawan ng presidente ay hindi pa rin mapapaboran ang hirit na mandamus ng abogado.
Paliwanag ng Korte Suprema, para umubra ang petition for mandamus ay dapat na maipakita ng petitioner na ang akto na nais nito na maipagawa sa respondent ay ministerial duty nito.
Alinsunod pa sa ruling, nabigo ang petitioner na tukuyin ang batas na partikular na nagaatas sa presidente para ireklamo sa UN o International Court of Justice ang China dahil sa pagpasok sa exclusive economic zone ng bansa.
Sinabi pa ng SC na ang desisyon kung papaano matutugunan ang disputes ng Pilipinas sa China ay pinakamainam na ipaubaya sa political branches ng gobyerno.
Moira Encina