SC ibinasura ang petisyon vs kautusan ng Ombudsman na naglilimita sa access sa mga SALN
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na ipatigil ang implementasyon ng memorandum circular ng Office of the Ombudsman na naglilimita sa access sa SALN ng mga nasa gobyerno.
Sa resolusyon ng Supreme Court En Banc, sinabi na hindi pinaboran ang hirit ng petitioner na si Louis Biraogo dahil walang actual case o controversy, hindi nasunod ang hierarchy of courts, at maling remedyo ang mandamus sa petisyon nito.
Kinuwestiyon ni Biraogo sa Korte Suprema ang sirkular ni Ombudsman Samuel Martires matapos mabigong makakuha ng kopya ng SALN ni Vice- President Leni Robredo.
Alinsunod sa inisyung sirkular ni Martires, kailangan muna ng written at duly notarized consent mula sa declarant para makuha ang kopya ng SALN nito.
Sinabi ni Biraogo na paglabag ang nasabing kautusan ng Ombudsman sa right to information na nakasaad sa Saligang Batas at sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Pero, paliwanag ng SC hindi absolute ang right to access and information sa SALN ng public officials na nakasaad sa Konstitusyon at batas.
Ayon pa sa Korte Suprema, maaari pa ring i-regulate ng Ombudsman na custodian ng SALN ang dokumento bagamat walang pagbabawal sa Saligang Batas para ito ay ma-access .
Nasa kapangyarihan anila ng custodian ang magpatupad ng regulation sa pag-access sa public documents para ito ay maingatan.
Dahil dito, sinabi ng SC na hindi obligado ang Ombudsman sa bawat pagkakataon na payagan ang mga kahilingan na maisapubliko ang SALN.
Inihayag pa ng Korte Suprema na maging ito bilang custodian ng mga SALN ng justices at mga hukom ay naglatag ng mga guidelines bago ma-access ang mga nasabing rekord.
Sa mga nakaraan anila ay hindi pumayag ang SC sa ilang request sa SALN disclosure dahil sa halatang may masamang motibo at gagamitin lang ang SALN sa “fishing expedition.”
Moira Encina