SC ibinasura ang writ of kalikasan petition laban sa pagwasak ng gobyerno sa Mighty cigarettes na may pekeng tax stamps
Walang nakitang merito ang Korte Suprema sa writ of kalikasan petition na inihain ng isang grupo laban sa pagwasak ng pamahalaan sa mga nakumpiskang Mighty cigarettes na may pekeng tax stamps noong 2017.
Sa petisyon ng Alyansa ng mga Grupong Haligi ng Agham at Teknolohiya para sa Mamamayan (AGHAM), sinabi na lumabag sa environmental laws ang ginawang co-processing na paraan na ginamit ng pamahalaan para sirain ang mga nasabat na sigarilyo.
Ang mga sigarilyo ay winasak sa compound ng Holcim Philippines, Inc. sa Bunawan, Davao City at sa planta ng Holcim sa Norzagaray, Bulacan na nasa loob ng watershed area ng Angat at La Mesa Dams.
Ginawa ito sa pamamagitan ng co-processing na proseso ng paggamit sa mga waste bilang raw material o source ng enerhiya para palitan ang mineral resources at fossil fuel sa industrial processes.
Respondents sa petisyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Holcim officials.
Ayon sa ruling ng SC, walang malinaw na patunay na lumabag sa anumang environmental laws ang respondents.
Wala rin anilang ibinigay na ebidensya ang petitioners na nagpapatunay na guilty ang mga respondents sa anumang iligal na gawain.
Sinabi pa ng SC na taliwas sa pahayag ng AGHAM may ebidensya na sinaksihan ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at media ang pagwasak sa mga sigarilyo sa pamamagitan ng co-processing.
May inilabas ding artikulo ang media outlets ukol sa isinagawang co-processing.
Ipinunto rin ng Korte Suprema na inotorisa ng BIR ang co-processing ng mga sigarilyo at may inisyung Environmental Compliance Certificates sa Holcim ang DENR.
Moira Encina