SC: Panuntunan sa paggamit ng body cameras sa pagiisyu ng warrants, epektibo na
Maaari nang ipatupad ang mga panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras sa pagsisilbi ng mga search at arrest warrants na binuo ng Korte Suprema.
Ito ay matapos mailathala sa dalawang pahayagan na may national circulation noong July 31 ang nasabing rules.
Batay sa rules, sa oras na makitaan ng probable cause ng korte ay magiisyu ito ng arrest warrant na may kautusan sa paggamit nang hindi bababa sa isang body-worn cameras at alternative recording device para mairekord ang implementasyon ng warrants.
Kung walang body cameras, dapat maghain ng mosyon ang otoridad na magsisilbi ng warrant para sa paggamit ng alternatibong recording device.
Ayon pa sa rules, kinakailangan na abisuhan ng otoridad na may suot ng body cameras ang taong aarestuhin na inirerecord nito ang pagsisilbi ng arrest warrants na inisyu ng hukuman.
Nilinaw sa Section 5 ng rules na hindi ituturing na unlawful ang pag-aresto o kaya ay inadmissible ang ebidensya kung mabigo na gumamit ng body cameras dahil maaari naman itong mapatunayan ng mga testimonya ng mga testigo, arresting officers, at taong inaresto.
Pero, maaaring patawan ng contempt ng korte ang law enforcers na mabibigong gumamit ng body cam o iba pang alternative recording device nang walang risonableng batayan, magmamanipula sa recording o kaya ay sinadyang pakialamanan ang body camera para maapektuhan ang abilidad nito na makuhan nang accurate ang audio at video ng recording.
Sa Section 3 ng rules, hindi puwedeng isapubliko at limitado lang ang pinapayagan na makakita sa mga narekord sa body cameras o alternative recording devices.
Ito ay maliban na lang kung ang insidente sa recordings ay nagresulta sa pagkamatay o kaya ay may assault sa mga alagad ng batas sa panahon ng pag-aresto o search.
Hindi na rin kailangan ng consent ng mga taong sangkot kung ang pangyayari sa recording ay nagresulta sa pagkawala ng buhay o kaya ay pag-atake sa law enforcers.
Pinapayagan naman sa Section 10 ng panuntunan ang pag-turn off sa body cameras o recording devices sa ilang sirkumstansiya na walang kaugnayan sa mismong arrest o search.
Una nang sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na binalanse at ikinonsidera ng SC sa pagbuo ng special rules ang karapatan ng mga indibidwal at ang responsibilidad at tungkulin ng mga alagad ng batas.
Ang pangunahing layon aniya ng mga panuntunan ay matiyak na hindi mababalewala ang karapatan sa Saligang Batas ng mga tao at mabigyan din ng leeway ang mga otoridad na epektibong matupad ang kanilang trabaho.
Moira Encina