SC inaprubahan ang paglilipat sa trial venue sa kaso ng nasabat na P11B halaga ng shabu sa Infanta, Quezon
Pinayagan ng Korte Suprema ang hiling ng DOJ na ilipat ang lugar ng paglilitis sa kaso kaugnay sa Php11 bilyong halaga ng shabu na nasabat sa Infanta, Quezon noong Marso.
Batay ito sa resolusyon na inilabas ng Supreme Court Second Division.
Sa kanilang mosyon, hiniling ng mga piskal ng DOJ sa SC na ilipat ang trial venue dahil sa isyu ng seguridad.
Dahil dito, sa Manila Regional Trial Court na gaganapin ang paglilitis sa illegal drugs case.
Hinihintay na lamang ng DOJ ang abiso mula sa Manila court kung saang sala mapupunta ang kaso.
Kabuuang 10 indibiduwal ang kinasuhan ng DOJ ng mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs law.
Ang mga nasabing akusado ay lulan ng tatlong van kung saan nakuha ang 1.8 tonelada ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php11 bilyon.
Nakalagay ang mga droga sa 1,500 pakete ng tsaa.
Ayon sa NBI, ang nakumpiskang iligal na droga ay ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Moira Encina