SC inilabas na ang kopya ng ruling na nagbabasura sa petisyon ng mga senador vs pagkalas ng gobyerno sa ICC
Inilabas na ng Korte Suprema ang kopya ng buong desisyon nito na nagbabasura sa mga petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang pagkalas ng gobyerno sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).
Ang desisyon ay inisyu noon pang Marso pero nitong Hulyo 21 lamang inilabas ang kopya ng full ruling.
Sa mahigit 100 pahinang desisyon na isinulat ni Justice Marvic Leonen, sinabi na walang standing ang mga petitioners para maghain ng kaso.
Ang mga petisyon laban sa ICC withdrawal ay inihain nina opposition Senators Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, at noo’y Senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV, Philippine Coalition for the ICC, at Integrated Bar of the Philippines.
Ayon pa sa SC, naging moot na ang petisyon nang kilalanin o i-acknowledge mismo ng ICC ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.
Alinsunod din anila sa mekanismo na nakasaad sa tratado ang pagkalas ni Pangulong Duterte sa Rome Statute.
Ipinunto pa ng Korte Suprema na hindi maapektuhan ng withdrawal sa Rome Statute ang mga pananagutan ng mga indibiduwal na kinasuhan sa ICC.
Wala rin anilang basehan at pawang ispekulasyon lamang na may negatibong epekto ito sa mga pangunahing karapatang pantao.
Paliwanag ng SC, partido pa rin ang Pilipinas sa ilan pang international conventions at human rights instruments.
Ang mga nasabing statutes din anila na nagpuprotekta sa karapatan ng mga indibiduwal ay nananatili at may bisa pa rin.
Hindi rin anila nabuwag ang Saligang Batas na naglalaman ng fundamental rights ng mamamayan nang dahil sa ICC withdrawal.
Binigyang-diin pa Korte Suprema na may sapat na kapangyarihan ang hudikatura na proteksyunan ang karapatang pantao.
Sa kanilang petisyon noong 2018, hiniling ng mga opposition senators, PCICC at IBP na ideklara ng Korte Suprema na walang bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC dahil wala itong pagapruba ng two-thirds ng miyembro ng Senado.
Nagpasya si Pangulong Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC matapos simulan ang imbestigasyon sa reklamong crimes against humanity kaugnay sa kampanya kontra droga ng administrasyon nito.
Moira Encina