SC, inirekomenda sa JBC na ma-exempt sa Public interviews at iba pang requirements ang mga Senior Justices sa pagpili ng susunod ng Chief Justice
Nais ng Korte Suprema na huwag nang obligahin na magsumite ng mga requirements at hindi na sumalang sa public interviews ng Judicial and Bar Council (JBC) ang mga Senior Justices nito para maikonsidera sa posisyon ng Punong Mahistrado.
Ang limang most Senior Associate Justices ng Supreme Court ay otomatikong nominado para sa puwesto ng Chief Justice alinsunod sa mga patakaran ng JBC.
Sa resolusyon ng Supreme Court en Banc, inirekomenda nito sa JBC na i-exempt sa pagsusumite ng mga clearances, medical examination results, at documentary requirements at sa paglahok sa public interviews ang limang most senior na mahistrado ng Korte Suprema sa pagpili ng susunod na Chief Justice.
Tanging ang application o conforme letter lang na nagpapahayag ng kanilang intensyon na maging aplikante sa puwesto ang iminungkahi ng SC sa JBC na ipasumite sa mga senior justices.
Nakasaad din sa application letter na pumapayag ang mga ito na magamit ang mga dati na nilang naisumiteng dokumento sa JBC o parte nang administrative records ng Korte Suprema.
Una nang binuksan noong Enero ng JBC ang aplikasyon at nominasyon para sa posisyon ng punong mahistrado na nakatakdang bakantehin ni Chief Justice Diosdado Peralta na maagang magreretiro sa Marso 27.
Moira Encina