SC iniutos ang disbarment sa abogado na nagpakilalang may koneksyon sa piskalya
Pinatawan ng disbarment ng Korte Suprema ang isang abogado dahil sa pagpapakilalang may koneksyon ito sa piskalya.
Sa en banc session ng Supreme Court, ipinagutos na tanggalin sa roll of attorneys ang pangalan ni Atty. Carlo Marco Bautista dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility (CPR) at Lawyers’ Oath.
Sinabi ng SC na nilabag niya ang mga nakasaad sa CPR dahil sa pagpayo at pag-angkin na kayang maimpluwensyahan at mabayaran ang prosekusyon.
Nag-ugat ito sa pagtanggap ni Bautista ng salapi mula sa kliyente kapalit ng paborableng resolusyon sa kriminal na kaso na nakabinbin sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ang reklamo laban kay Bautista ay inihain ni Anthony O. Lim na kumuha sa legal service nito para hawakan ang kaso ng kaniyang tatay na nasa piskalya sa Makati.
Inamin ni Bautista na tumanggap siya ng tseke na kaniyang in-encash mula sa complainant na nagkakahalaga ng P13.3 million.
Natalo ang tatay ni Lim sa kaso sa kabila ng paulit-ulit na pagtiyak ng abogado at ang pera na ibinayad ay para makakuha ng paborableng ruling ang respondent at para sa mga umano’y contacts ni Bautista.
Inamin din ng abogado na umutang siya sa kliyente niya ng P300,000 at ito ay binayaran na niya nang buo.
Moira Encina