SC Justice Marvic Leonen sinampahan ng Impeachment Complaint sa Kamara
Ipinagharap ng Impeachment complaint sa Kamara si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen dahil sa kabiguang madesisyunan sa oras ang mga kasong hawak nito at sa kabiguang maghain ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN) nang ito ay nasa University of the Philippines pa.
Ang reklamo ay inihain ni Filipino League of Advocates For Good Government (FLAGG) Secretary General Edwin Cordevilla sa Office of the House Secretary General.
Sa kanyang reklamo, pinaratangan ni Cordevilla si Leonen ng paglabag sa Saligang Batas dahil sa sinasabing kabiguan na maaksyunan ang hindi bababa sa 37 kaso sa loob ng 24 na buwan.
Partikular anyang nilabag ni Leonen ang Section 16, Article III ng Konstitusyon ukol sa mabilis na disposisyon ng mga kaso.
Ayon sa complainant, ang track record ng gross inefficiency ni Leonen ay makikita sa mabagal nitong pagresolba sa mga kaso.
Anya walang ibang mahistrado ang nagpakita ng parehong incompetence at inefficiency.
Inakusahan din ni Cordevilla si Leonen na sinasadyang i-delay ang resolusyon ng mga election cases na nakabinbin sa kanya bilang chairperson ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Iginiit ni Cordevilla na katumbas ng betrayal of public trust ang kabiguan ni Leonen na resolbahin ang mga kaso na hawak nito sa Supreme Court at HRET.
Bukod sa kabiguan na aksyunan ang mga kaso, sinabi pa ng complainant na lumabag sa Konstitusyon si Leonen dahil sa hindi paghahain ng SALN nang ito pa faculty sa University of the Philippines na isa ring Betrayal of Public Trust.
Tinukoy ni Cordevilla na mula 1989 hanggang 2003 at 2008 hanggang 2009 o sa loob ng 15 taon ay hindi nagsumite ng kanyang SALN si Leonen.
Kaugnay nito, nabigo rin anya si Leonen sa SALN requirement ng Judicial and Bar Council nang ito ay maghain ng aplikasyon bilang mahistrado ng Supreme Court.
Moira Encina