SC justices nabakunahan na kontra COVID-19
Kinumpirma ni Chief Justice Alexander Gesmundo na nabakunahan na laban sa COVID-19 ang lahat ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Sa Chief Justice Meets The Press, sinabi ni Gesmundo na nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna kontra COVID ang mga Supreme Court justices.
Ayon pa kay Gesmundo, sa linggong ito ay may 400 judiciary employees sa Metro Manila ang naka-iskedyul na bakunahan sa compound ng Korte Suprema.
Aniya una nang hiniling ng Korte Suprema sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) na mapasama sa A4 vaccine priority list ang mga court personnel kaya nabigyan sila ng alokasyon ng bakuna.
Hiningi rin aniya ng Supreme Court ang tulong ng Manila City LGU para sa pagbabakuna sa court workers.
Pero sa mga susunod aniya ay ang sariling medical staff ng Korte Suprema ang mangangasiwa sa vaccination program sa oras na ang mga ito ay sumailalim sa pagsasanay.
Sinabi ni Gesmundo na pinayagan ng NTF ang medical services ng SC na magbakuna sa mga judiciary personnel.
Tiniyak ng punong mahistrado na nakatuon sila sa pagbabakuna sa mga court employees at officials.
Naniniwala si Gesmundo na magiging fully operational lamang ang mga hukuman sa bansa sa oras na makatanggap ng dalawang dose ng bakuna laban sa COVID ang mga judges at kawani.
Batay din sa ulat na natanggap ni Gesmundo, naturukan na rin laban sa virus ang lahat ng mga hukom at tauhan ng Bacolod City Regional Trial Court.
Moira Encina