SC justices nakipagpulong sa ilang US Marshal Service officials
Humarap sa mga mahistrado at opisyal ng Korte Suprema ang ilang US Marshals Service officials kaugnay sa panukalang paglikha ng Office of the Judiciary Marshals (OJM).
Partikular sa nakipagpulong kina Chief Justice Alexander Gesmundo sina Senior Inspector for Asia Pacific Affairs Robert Marcum at Deputy U.S. Marshal and Asia Pacific Liaison Carlos Griffith ng United States Marshals Service.
Ayon sa Supreme Court, inaantay na lang ang lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang lilikha sa OJM.
Layon nito na mapigilan at maresolba ang mga krimen laban sa mahistrado, hukom, court employees at court properties.
Maipipreserba din aniya ang independence ng hudikatura sa pamamagitan ng pagtiyak sa seguridad ng mga judges at court personnel.
Una rito sinabi ni Gesmundo na sa oras na maisabatas ang panukala ay hihingin nito ang tulong ng US para sa operationalization ng marshal service.
Ang judiciary marshals ay magiging nasa ilalim ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator.
Moira Encina