SC kinatigan ang hiling ng DOJ na mailipat sa Taguig ang paglilitis sa mga naarestong miyembro ng Maute sa CDO
Inaprubahan ng Korte Suprema ang kahilingan ng DOJ na ilipat sa mga Korte sa Taguig ang paglilitis sa mga naarestong miyembro ng Maute group at mga tagasuporta nito mula sa Cagayan de Oro courts.
Bukod dito, pinagtibay din ng Supreme Court na sa Special Intensive Care Area ng Camp Bagong Diwa sa Taguig ang maging pansamantalang kulungan sa mga nadakip na rebelde sa halip na sa Camp Evangelista sa CDO.
Ikinagalak naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagpayag ng Korte Suprema sa kanilang apela.
Sa kanyang sulat sa Korte Suprema, ikinatwiran ng kalihim ang banta sa seguridad at kaligtasan ng mga piskal sa CDO at ang kakulangan ng pasilidad sa Camp Evangelista.
Ilan sa mga inaresto at kinasuhan ng rebelyon ang mga magulang ng Maute brothers at founders na sina Ominta Romato Maute alyas Farhana, at Cayamora Maute, bomb maker expert na si Mohammad Noaim Maute, at dating Marawi City Mayor Fajad Salic.
Ulat ni: Moira Encina