SC kinatigan ang pag-absuwelto ng Sandiganbayan kay ex- COMELEC Chair Benjamin Abalos kaugnay sa NBN-ZTE deal
Pinagtibay ng Supreme Court ang desisyon ng Sandiganbayan Fourth Division na ipawalang-sala sa kasong katiwalian si dating COMELEC Chair Benjamin Abalos.
Ang kaso ay kaugnay sa kontrobersyal na National Broadband Network- ZTE project.
Sa desisyon ng SC First Division, kinatigan din nito ang resolusyon ng Sandiganbayan Special Fourth Division na nagbabasura sa motion for reconsideration ng petitioners.
Walang nakitang merito ang Korte Suprema sa petisyon ng gobyerno na kumukwestiyon sa pag-absuwelto kay Abalos.
Sinabi ng SC na ang petition for certiorari ay hindi akmang remedyo para itama ang errors of judgment.
Ayon pa sa Korte Suprema, walang grave abuse of discretion sa panig ng Sandiganbayan at hindi nalabag ang right to due process ng petitioners.
Paliwanag ng SC, binigyan ng pagkakataon ang prosekusyon sa paglilitis ng anti-graft court na makapagprisinta ng mga ebidensya at testigo nito.
Binusisi at pinag-aralan din anilang mabuti ng Sandiganbayan ang bawat isang ebidensya at tinalakay ang mga ito nang malaliman sa ruling nito.
Ipinunto pa ng SC na hindi maaaring baligtarin ang acquittal kay Abalos dahil ito ay pinal na at malalabag ang karapatan nito laban sa double jeopardy.
Ang kaso laban kay Abalos ay nag-ugat sa sinasabing pagiging broker nito sa proyekto at pakikipag- pulong sa mga opisyal ng Chinese corporation na ZTE.
Pinaratangan din si Abalos ng panunuhol kay dating NEDA Chief Romulo Neri para aprubahan ang kontrata.
Moira Encina