SC kumbinsidong may sapat na batayan para ideklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao
Kumbinsido ang Korte Suprema na sapat ang pinagbatayang pangyayari para ideklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao.
B atay ito sa 82-pahinang desisyon ng Korte Suprema na isinulat ni Associate Justice Mariano del Castillo at inilabas nitong Miyerkules ng gabi.
Naniniwala ang Supreme Court na may nagaganap na pag-aaklas sa Mindanao at nanganganib ang kaligtasan ng publiko kaya nito pinagtibay ang deklarasyon ng Martial Law at suspensyon ng Privilege of the Writ of Habeas Corpus sa rehiyon.
Binigyang bigat ng Korte Suprema ang mga tinukoy na pangyayari ng Pangulo sa kanyang Proclamation 216 at sa kanyang ulat na isinumite sa Kongreso kaugnay ng pagsiklab ng kaguluhan sa Mindanao sa pangunguna ng Abu Sayyaf at Maute Group.
Alam din ng Korte Suprema na mahalaga ang panahon sa pagtugon sa mga sitwasyon na nangangailangan ng implementasyon ng batas militar kaya sa ilalim ng 1987 Constitution ay hindi na kailangan pa ng pagsang-ayon ng Kongreso sa inisyal na pagpapatupad ng Pangulo ng Martial Law.
Binanggit pa ng Korte Suprema na hindi kondisyon ang rekomendasyon ng Defense Secretary o ng matataas na mga opisyal sa militar sa pagpapatupad ng Martial Law.
Ikinatwiran din ng SC sa desisyon nito ang pangangailangan sa mabilis na pagpapasya ng Pangulo kung ipatutupad ang Martial Law kahit batay pa lang sa intelligence report.
Kung hihintayin pa anila na makumpirma kung tama ang mga intel report na nakarating sa pangulo, maaring maging huli na para ideklara ang batas militar dahil sumiklab na nang husto ang pag-aaklas.
Ulat ni: Moira Encina