SC lumikha ng kauna-unahang gawad para sa natatanging retiring SC justices na may zero backlog ng kaso
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng hudikatura ay magkakaroon ng gawad para sa mga retiring justices ng Korte Suprema na may zero backlog ng kaso mula nang ito’y maging trial court judge hanggang sa retirement sa Supreme Court.
Ito ay tatawagin na The Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe Exemplary Career Jurist Award.
Nilikha ng Korte Suprema ang nasabing award bilang pagpupugay kay Bernabe na nagretiro noong Mayo 13.
Iniwan ni Bernabe ang kanyang puwesto sa Supreme Court na zero-case docket o walang pending na kaso.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, ibibigay ang nasabing gawad sa mga natatanging mahistrado ng Korte Suprema na nagsilbi sa lahat ng court levels.
Partikular mula sa trial court, lower collegiate court, at Korte Suprema na walang iniwang nakabinbing kaso sa oras ng promosyon sa mas mataas na hukuman at hanggang sa kanilang pagreretiro sa SC.
Sa kanyang retirement ceremony, tumanggap si Bernabe ng Judicial Medal of Distinction na iginagawad sa mga retiring SC justices na walang kaso sa kanyang docket sa oras ng retirement.
Moira Encina